Online Class sa Gitna ng Pandemya: Dahilan ng Paglabo ng Mata

 

      Simula nang magkaroon ng pandemya noong taong 2020 ay sinimulan na ang makabagong sistema ng pag-aaral— ang online class. Isa itong magandang paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa kabila ng dinaranas na pandemya, ngunit may kaakibat rin itong mga negatibong epekto sa mga mag-aaral. Isa na rito ang paglabo ng kanilang mga mata.

       Ayon kay Zacate (2020), ang contrast at ilaw ng iskrin sa ating mga gadyet ay maaaring makapagbigay ng mataas na Visual Effort Demands sa ating mga mata upang magawa nito ang kanyang tungkulin.

       Katuwiran naman ni Garcia (2020) na dahil sa halos lahat ng aktibidad nga­yong online classes, hindi na maiwasan ang mga mag-aaral na nakararanas ng Computer Vision Syndrome o Digital Eye Strain. Kabilang sa epekto nito ay ang paglabo ng paningin, tuyong mga mata, sakit ng ulo at pagdodoble ng paningin. Ang sanhi raw nito ay ang blue light na inilalabas ng mga gadyet na nakasasama sa retina ng mata.

      Maraming kabataan ang dating may malulusog na mata, ngunit simula nang magkapandemya ay bigla itong lumabo. Marami rin ang malabo na ang mata noon pa man, ngunit mas lumabo ito dahil sa makabagong sistema ng pag-aaral at sa iba pang mga dahilan katulad ng kanilang libangan. Ako ay nagsagawa ng isang sarbey mula sa mga mag-aaral na nagsusuot ng salamin dahil malabo ang kanilang mga mata. Si M1 (Mag-aaral 1) ay mayroon raw 500 na grado sa mata bago pa magkaroon ng pandemya, ngunit sa huli niyang pagpapatingin sa doktor noong nakaraang taon ay nadagdagan ng isang daan ang kaniyang grado sa mata kaya't sa kasalukuyan ay 600 na ang grado nito, mayroon rin siyang Astigmatism. Gayunpaman, bago magkapandemya ay mayroong grado na 250 si M2 sa kaniyang mata. Alam niyang mas lalo itong lumabo ngunit hindi pa siya nagpapatingin muli sa doktor sa mata. Si M3 naman ay mayroong 300 na grado sa mata, habang ang akin ay nasa 750 noong taong 2019 ngunit aking nararamdaman na mas tumaas ito simula nang magkapandemya. Ang iba pa sa aking mga natanong ay mayroon ring malalabong mata ngunit hindi nila alam kung ilan ang kanilang grado.



      Paliwanag ni Dr. Buenjim Mariano noong 2021, marami siyang mga pasyente na pumapasok sa online class at nagrereklamo dahil sila ay nakakaramdam ng pananakit ng mata at ulo na ang tanging dahilan ay ang paggamit ng gadyets.

      Ngunit paano nga ba maiiwasan ang pagtaas ng grado sa mata lalo na't ngayong pandemya ay hindi maiiwasan ang paggamit ng gadyets para sa mga aktibidad sa paaralan? Narito ang ilang mga paraan na makatutulong hindi lang para sa mga estudyante, kundi maging sa mga magulang at mga guro.

  1. Gawin ang 20-20-20 rule (kada 20 minuto, tumingin sa isang bagay na may layong 20 talampakan mula sa iyo sa loob ng 20 segundo).
  2. Huwag kalilimutang kumurap upang maiwasan ang panunuyo ng mga mata.
  3. Limitahan ang paggamit ng gadyets. Kung hindi naman mahalaga ang gagawin ay huwag nang magtagal pa dito.
  4. Maghanap ng ibang paglilibangan na hindi kinakailangan na humarap sa iskrin.
  5. Kumain ng gulay, lalong-lalo na ang mga gulay na mayroong Vitamin A.
  6. Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
      Sa panahon ngayon ng pandemya, hindi lang dapat kalusugan sa katawan ang ating pinangangalagaan kundi pati na rin ang ating kalusugan sa mata. Huwag nating hahayaan na lumabo ang ating mga paningin at hindi na muling makita nang malinaw ang napakagandang mundo kapag natapos na ang pandemyang ito.

"Encourage your child to take breaks in between the classes which is also we would like teachers or educators and parents to know na even online na tayo, the children that are to be in front of the screen would meet their breaks.”
— James Abraham Lee


Mga Reperensiya:

1. https://pilipinomirror.com/ang-online-learning-at-ang-computer-vision-syndrome/

2. https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2020/09/28/2045552/labis-na-screen-time-mapanganib/amp/

3. https://www.google.com/amp/news.abs-cbn.com/amp/news/08/12/21/tips-para-iwas-labo-ang-mata-ng-mga-estudyante

4. https://news.abs-cbn.com/amp/news/07/07/20/tips-paano-pangalagaan-ang-mata-ng-anak-na-mag-o-online-classes

      






















Comments